ITULAK ANG PAGPAPATIBAY AT PAGPAPATUPAD NG ILO CONVENTION 189
MATAGUMPAY na naman ang organisadong pagkilos ng manggagawang migranteng Pilipino nang lagdaan ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang ILO Convention 189.
Pinatunayan ng paglagda na ang pagiging mapagbantay at walang-humpay na pangungulit sa estado ng ilang dekada ang tanging paraan lamang upang maitulak ang interes ng milyun-milyong masang manggagawang migrante at kanilang pamilya. Sa kasalukuyan ang Uruguay at ang PIlipinas pa lamang ang lumagda bilang pag-sang-ayon sa ILO Convention 189. Nangangailangan pa ng pagsang-ayon o concurrence ng Senado upang ito’y maisabatas.
Ngunit hindi pa tapos ang laban.
Hinahamon natin ngayon na ang mga haciendero’t elitista sa Kongreso ay sumunod sa Pangulo, tulad ng pagsunod ng mga ito sa pagtugis sa Punong Mahistrado, at ipasa ang batas na magpapalakas sa ILO Convention 189 o Magna Carta for Domestic Workers.
Mahalaga ang Convention 189 dahil nagbibigay ito ng higit na karapatan sa mga domestic workers o kasambahay na mag-organisa at magtamasa ng mga karapatan bilang manggagawa, tulad ng sick leave at iba pang benepisyo na tinatakda ng ating batas pagagawa o Labor Code. Isa ring probisyon ng Convention 189 ang pagkakaroon ng pamantayan na sahod para sa mga kasambahay.
Ang ILO convention 189 ay magbibigay ng seguridad sa paggawa sa ating mga domestic workers sa mga bansang nag-aangkat ng manggagawang Pilipino. Kung isasabatas ng estado ng mga bansang ito, mai-aaplay din ang mga benepisyo at karapatan na ayon sa kanilang kani-kaniyang batas paggawa.
Higit na kailangang maging mapagbantay at masigasig ang mga manggagawang migrante at kanilang organisasyon hindi lamang dahil dadalawa pa lamang ang mga bansang lumagda bilang pag-sangayon sa Convention 189. Kailangang bantayan ang pagsasabatas nito dahil baka matulad ang Convention 189 sa International Convention for the Protection of Migrant Workers and Their Families (ICPMWF) na nilamon ng mga capitulationist states o mapanukong mga estado.
Maaaring dahil sa kahabaan ng napaka-particular na pamagat nito, ang ICPMWF ay hindi rin pinagtibay ng mga bansang nag-aangkat ng manggagawa (labor importing countries). Hindi rin itinulak ng nakaraang mga pangulo, mula pa kay Fidel V. Ramos, ang mga estado na ipagtibay ang ICPMWF. Dahil ditto, hindi nabigyang proteksyon ang ating mga manggagawa sa ibayong dagat nang mahigit dalawang dekada. Sila ang unang-unang sinakripisyo ng dumausdos ang ekonomiya ng Estados Unidos at Europa at nang nagsiputukan ang tunggalian sa mga bansang marami ang OFWs: Libya , Syria , at Kuwait .
Heto na naman ang mga nangangalakal ng lakas-paggawa at pinapangalandakan ang ilusyon na nasa interes nila ang kabutihan ng mga manggagawang migrante at domestic workers.
Puwes, singilin natin ang estado na ituloy-tuloy na ang pagkukunwari nang kahit paano’y bumuti nang kaunti ang kalagayan ng mga domestic workers sa ibang bansa at sa ating bayan.
Kung gaano kasigasig ang rehimeng Aquino sa pagtugis sa Punong Mahistrado, ganito rin ang kasigasigan ng mga manggagawang migrante na singilin ang rehimen sa pagsasabatas at pagpapatupad ng ILO Convention 189.
Kanlungan Centre Foundation Inc.
Unang Araw ng Hunyo, Taong 2012